
Gigaquit, Surigao del Norte – Naghatid ng bagong pag-asa sa mamamayan ng Barangay Mahanub, Gigaquit, Surigao del Norte ang ginawang seremonya ng Provincial Task Force-End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC para sa proyektong pagsasagawa ng Farm to Market Road para sa komunidad nitong ika-8 ng Hulyo 2021.
Ang nasabing Farm to Market Road Construction ay kabilang sa mga proyektong nakapaloob sa Barangay Development Program ng Barangay Mahanub na napondohan ng twenty million pesos (20,000,000.00) mula sa Local Government Support Fund para suportahan ang nasabing proyekto.
Matatandaan din nitong nakaraang ika-29 ng Hunyo ay pormal na inanunsiyo ng pamahalaan ng Probinsiya ng Surigao del Norte ang pagsisimula ng pagsasagawa ng mga proyekto sa mga barangay sa nasabing probinsya. Kabilang din dito ang Retooled Community Support Program projects pagkatapos nga itong maideklarang ‘cleared’ mula sa mga impluwensiya ng terorismo.
Kung kaya, ngayon ay pormal nang inilunsad ang Ground breaking ceremony para sa gagawin na Farm to Market Road. Kung saan sesementuhin at papagandahin ang kalsada mula sa Sentro ng Barangay Mahanub na may 774.5 metrong haba at 2.5 metrong lapad para buuin ang dalawang linya nito. Ang nasabing daanan ay magbibigay ng katiwasayan lalo na sa mga magbubukid at mga katutubong mamamayan na naghahanap buhay. Mapapadali na din nito ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo mula sa gobyerno sa mga lugar na mahirap madaanan.
Ayon kay Hon. Chandru T Bonite, ang Municipal Mayor ng bayan ng Gigaquit, “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga ahensiya lalo na sa ating National Government dahil hindi ito mangyayari kung wala ang kanilang tulong. Dahil dito mabibigyan na natin ng maayos na kalsada ang ating mga kababayan dito sa Barangay Mahanub. Bilang pinuno ng munisipyong ito, labis din ang aking pasasalamat dahil madami ang magiging benepisyaryo ng 20,000,000.00 kapag maisagawa na ang mga proyekto sa mga barangay. Isa lamang itong patunay na ang ating minamahal na Gigaquit ay patungo na sa pag-unlad at pagbabago.”
Inihayag din ni Governor Francisco ‘Lalo’ Matugas, ang Provincial Governor ng SDN ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nasa likod ng proyektong gagawin. “Labis ang aking pasasalamat sa ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang pagsuporta sa ating probinsiya. Ang kalsadang ito ay isa sa mga napili para maging proyekto ng barangay Mahanub sapagkat sakop nito ang daan patungo sa lugar ng ating mga kapatid na katutubo. Matutulungan natin sila mapadali ang kanilang pamumuhay. Mas-mapapadali na ang kanilang pagpunta sa ating poblacion. Simula pa lamang ito ng pagbabago ng Surigao del Norte. Marami pang proyekto ang naghihintay sa ating probinsiya upang tuluyan na din matapos ang terorismo sa ating lugar.”
Ang nasabing programa ay dinaluhan din nina Director Rene V. Valera ng PMO-DILG, Dir Monico Batle at Dir Maria Lourdes ng NTF-ELCAC, Dir Lilibeth A Famacion ng Regional DILG, Vice Gov Eddie Gokiangkee ang Provincial Vice Governor, Brigadier General George L Banzon ang pinuno ng 901ST Brigade, LtCol Ryan Charles G Callanta ang pinuno ng 30th Infantry Battalion, Hon Chandru T. Bonite ang Municipal Mayor ng Gigaquit kasama ang kanyang Bise Mayor na si Jennifer Bonite, Congressman Bingo Matugas, Provincial Director Catalina Tacubao ng Tesda, Engr Marcelino Operario ng DPWH at Engr Joey T Martinez ng Provincial Engineer, Hon Julito P Go ang Kapitan ng Barangay Mahanub at mga mamayan ng Barangay Mahanub.