Dalawang Miyembro ng NPA, Patay sa Engkwentro sa Surigao del Norte

Gigaquit, Surigao del Norte – Patay ang dalawang miyembro ng New People’s Army o NPA pagkatapos ng sagupaan sa mga kasundaluhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army sa bulubunduking bahagi ng Sitio Pan-ukan, Brgy Camboayon, Bacuag, Surigao del Norte nitong ika-12 ng Hulyo 2021.

Nangyari ang sagupaan pagkatapos makatanggap ang himpilan ng 30IB ng ulat mula sa sibilyan hinggil sa presensya ng mga armadong grupo na nagsasagawa ng pangingikil at pananakot sa kanilang lugar.

Bilang pagtugon sa nasabing ulat, kaagad na nagsagawa ng pagpapatrolya ang kasundaluhan upang mahuli ang mga terorista at matigil na ang mga masasamang aktibidades na nakakagambala sa mapayapang pamumuhay ng mga mamamayan.

Habang nagsasagawa nga ng pagpapatrol ang mga tropa ng 30IB, nakasagupa nga nila ang grupo ng Sandatahang Yunit Pangpropaganda 16C2 ng Guerilla Front16 ng North Eastern Mindanao Regional Committee sa ilalim ng pamumuno ni Alberto Castañeda alyas JD. Tinatayang nasa sampo o mahigit pa ang bilang ng armadong teroristang NPA ang nakasagupa ng tropa ng gobyerno na umabot sa dalawamput limang (25) minutos na putukan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang hindi pa nakikilalang miyembro ng NPA at pagkadakip ng dalawa pang miyembro ng NPA. Pagkatapos silang iwanan ng kanilang mga kasamahan na tumakas pagkatapos ng labanan.

Ang nasabing sagupaan ay nagresulta din ng pagkakarekober ng isang (1) M4 Rifle “BUSHMASTER” na may serial number na L88055, isang (1) Carbine Rifle na mayroon isang (1) magazine at walong (8) bala, dalawang (2) shotguns, isang (1) Improvised Explosive Device na may kasamang blasting Cap, isang (1) Hand Grenade apat na (4) Backpack na may kasamang pansariling kagamitan ibat-ibang uri ng mga gamot at dextrose.

Ayon kay LtCol Ryan Charles G Callanta ang pinuno ng 30IB, kanyang inihayag ang pasasalamat niya sa mga mamamayan ng Bacuag sa agarang impormasyon na kanilang ipinaalam sa himpilan upang mahuli at madakip ang mga nasabing terorista, ” Una sa lahat, nais kong pasalamatan ang ating mga kababayan sa kanilang pakikipagkooperasyon sa ating kampanya laban sa terorismo. Patunay lamang ito na ayaw na nila ng kaguluhan sa kanilang lugar. Pangalawa, ang pangyayaring ito ay nawa’y magsilbi sa mga natitira pang miyembro ng NPA na sila’y sumuko na at bumalik sa kani-kanilang mga komunidad bago pa mahuli ang lahat. At huli, nais namin iparating ang aming pakikiramay sa mga naulila ng mga nasawing NPA.”

“Asahan niyo po na patuloy namin gagawin ang aming tungkulin na bantayan at protektahan ang mga mamamayan ng Surigao del Norte nang sa ganoon magkaroon na tayo ng tunay na kapayapaan” dagdag pa ni LtCol Callanta.

Samantala, ang mga nasawing NPA ay kaagad na dinala sa Bacuag Gades Funeral Homes upang mabigyan ng maayos na libing at maipaalam din sa kanilang mga pamilya ang kanilang sinapit sa loob ng kilusan. Habang ang dalawang nadakip naman na miyembro ng NPA, ang isa sa mga ito, ay dinala sa Pulisya ng Bacuag upang masampahan ng karampatang kaso, habang ang isa naman na mayroon tinamong sugat ay agad na dinala sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro upang mas magamot ng mabuti.

Leave a Reply