IP Youth Leadership Summit, Inilunsad sa Surigao del Norte

Gigaquit, Surigao del Norte – Nagsagawa ng dalawang araw na Indigenous People (IP) Youth Leadership Summit ang himpilan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army kasama ang grupo ng mga kabataan ng Propelling Our Inheritance Nation Through Youth Inc. SDN Chapter o POINTY INC. na ginanap sa komunidad ng mga tribo ng Sitio Punta Naga, Brgy Cagdianao, Claver, Surigao del Norte nitong ika-6 at ika-7 ng Nobyembre 2021.

Ang nasabing pagpupulong ay inilunsad alin-sunod sa Health Protocol ng Pamahalaang Bayan ng Claver. Ito ay may paksang, “Transforming the Indigenous People Youth as Responsible Pillars and Catalyst of Peace and Development in society” kung saan dinaluhan ng mga kabataan mula sa angkan ng mga Boklas at Patac na parehong nasa tribo ng mga Mamanwa. Tinatayang nasa dalawampu’t walong kabataan mula sa komunidad ni Datu Boklas ang dumalo habang nasa sampung kabataan naman ang kay Datu Patac. Nakilahok din sa programa ang iba pang Non-IP youth na pawang mga nakatira sa Sitio Punta Naga. Kung kaya umabot sa animnapu’t limang kabataan ang sumali sa nasabing programa.

Masasabi na ang Sitio Punta Naga ay maituturing na isa sa mga Conflict Vulnerable Area sa Surigao del Norte lalo na at matatagpuan din dito ang ilan sa mga katutubong Mamanwa. Ang mga katutubong nakatira dito ay nakakaranas ng mga pananakot at pangingikil mula sa mga armadong New People’s Army o NPA. Sila ay ginagamit ng mga NPA para sa pansariling adhikain at ginagawang “Supply Route” ng mga kalaban. Ngunit dahil sa kanilang pagnanais na magkaroon na ng tuluyang pagbabago at katahimikan sa kanilang lugar, sila ay nakipagtulungan sa militar at nakiisa sa kampanya na mawala na ang mga armadong NPA.

At isa na dito ay ang pagnanais ni Datu Renante Boklas na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga kabataan sa kanyang lugar tungkol sa terorismo upang wala nang mabiktima ng maling paniniwala sa kanila. Kung kaya inilunsad ang IP Youth Leadership Summit sa Sitio Punta Naga. Ang layunin nito ay mapaunlad ang kanilang mga sarili sa pamumuno, magkaroon ng pagkakaisa sa bawat isa anuman ang estado at kinabibilangang tribo, isulong ang nasyonalismo, at maitanim sa lahat ng mga kabataan ang kanilang tungkulin bilang mamamayan ng ating bansa. Isa rin sa mga layunin ng YLS ay buksan ang kaisipan ng mga kabataan sa isyu ng panlilinlang at panghihikayat ng CPP-NPA-NDF sa mga kabataan lalo na sa mga katutubo.

Naging matagumpay ang pagsasagawa ng YLS dahil na din sa suportang ibinigay ng Lokal na Pamahalaan ng Claver na pinamumunuan ni Hon. Georgia Gokiangkee, Lokal na Pamahalaan ng Barangay Cagdianao na pinamumunuan ni Hon. Luz U. Marianito, Community Relation ng THPAL Mining Company na si Ms. Genevieve Chua, Sanggunian Kabataan sa pamumuno ni Hon. Marniel Dan G. Diegas at Mabalaw Renante Boklas.

Sa pahayag ni Datu Boklas kanyang pinahayag ang kanyang pasasalamat sa kasundaluhan ng 30IB at sa mga kabataan ng POINTY sa pangunguna sa YLS, “Labis akong nagpapasalamat sa 30IB at sa mga miyembro ng POINTY INC-SDN. Dahil sa wakas at sa kauna unahang pagkakataon nagkaroon ng ganitong programa para sa mga IP youth. Napakalaking tulong talaga nito sa amin upang mabuksan at mapalawak pa namin ang aming kaalaman lalo na sa ating mga kabataan”.

Nagpahayag din ng mensahe si Lt Col Ryan Charles G Callanta, ang Commanding Officer ng 30IB, “para sa mga kabataang nakilahok sa programa. Nagpapasalamat kami sa ating mga aktibong kabataan lalo na sa ating mga kapatid na tribo na pinili ang makilahok sa ganitong aktibidad. Ang ating mga kabataan ay may kanya-kanyang angking talino at kakayahan. Kaya ito ang naging pangunahing target ng teroristang CPP-NPA-NDF upang hikayatin sila na sumali sa kanilang grupo.

Kung kaya mula sa hanay ng 30IB, nagsasagawa tayo ng ganitong pagtitipon upang maipaabot sa kanila ang kanilang tunay na tungkulin sa ating komunidad at ano ang kanilang maiaambag bilang kabataan para sa tunay kapayapaan. Dahil bilang isang kabataan malaki ang maiaambag nila sa ating bansa at sabi nga ni Dr. Jose Rizal na kabataan ang Pag- asa ng ating bayan. Kung kaya kasama ang POINTY, nandito kami upang tulungan kayo na mahubog sa wastong pamamaraan.”

Leave a Reply