NPA Cadre na Ordnance Expert Patay sa Engkwentro sa Surigao del Norte

Gigaquit, Surigao del Norte – Isang lider ng teroristang grupo ng New People’s Army o NPA and patay pagkatapos ng labanan sa mga tropa ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army sa bahaging bundok ng Barangay Alipao, Alegria, Surigao del Norte nitong umaga ng ika-8 ng Pebrero 2022.

Kinilala bilang si Alyas Wolf na taga KM 8 Brgy Bolhoon, Surigao del Sur na kasalukuyan pa din inaalam ang tunay na pangalan. Si Alyas Wolf din ang ordnance expert ng buong Guerilla Front 16 na siyang tagagawa ng mga illegal na pamsabog na mga Improvise Explosive Device (IED) na matagal ng pinagbabawal ng Geneva Convention at IHL subalit patuloy parin at walang pakundangang ginagamit ng mga teroristang NPA. Siya din ay isang full time member ng Sub-Regional Committee at dating pinuno ng Sandatahang Yunit Pangpropaganda (SYP) 16C at 16B ng GF16, North Eastern Mindanao Regional Committee.

Naganap ang sagupaan pagkatapos makatanggap ng ulat at sumbong ang himpilan ng 30IB kung saan ang mga armadong grupo ng NPA ay nagsasagawa ng pangingikil at pananakot sa komunidad. Kung kaya agad rumisponde ang kasundaluhan at nagsagawa ng pagpapatrol upang kumpirmahin ang nasabing ulat nang putukan sila ng armadong grupo ng NPA na pinaniniwalaang miyembro ng Sandatahang Yunit Pangpropaganda ng pinagsamang pwersa ng 16C1 na pinamumunuan ni Roel Neniel o mas kilala bilang si Alyas Jacob at 16C2 na pinamumunuan naman ni Alberto Castañeda na mas kilala bilang si Alyas JD.

Tumagal ng halos isang oras ang sagupaan kung saan nasawi si Alyas Wolf at nasamsam ang tatlong matataas na uri ng armas katulad ng isang (1) M16 Rifle, isang (1) AK47 Rifle at isang (1) AR15 Rifle at iba pang kagamitan katulad ng isang (1) Rifle Grenade, isang (1) Anti-Personnel Mine, isang (1) Baofeng radio, ibat-ibang klase ng supply ng mga gamot, isang (1) BP Apparatus, dalawang (2) Magazines ng AK47, tatlong (3) Magazines ng M16, limang (5) piraso ng Poncho tents, dalawang (2) piraso ng duyan, dalawang (2) pares ng rainboots, ibat-ibang kagamitan para sa pampasabog (landmine switch), sampung (10) piraso ng 1.5V battery, isang (1) rolyo ng electrical wire (50 meters), isang (1) piraso ng bandolier at siyam na daan at pitumpu (970) na bala ng Ak47 rifle.

Matatandaan din na nitong ika 16 ng Enero 2022 nagkaroon din ng sagupaan sa pagitan ng dalawang grupo sa Barangay Motorpol, Tubod, Surigao del Norte kung saan nakarekober din ng isang (1) AK47 Rifle na may kasamang mga bala at ibat-ibang klase ng kagamitan pangdigma.

Sa pahayag ni Lt Col Ryan Charles G Callanta, Pinuno ng 30IB, kanyang sinabi ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nakikiisa sa layunin ng kasundaluhan upang tuluyan ng matamasa ang kapayapaan sa lugar, “Unang una nais kong muli magpasalamat sa patuloy na pagsuporta ng mamamayan sa ating kampanya na labanan ang terorismo at tuluyan ng magkaroon ng ganap na kapayapaan sa ating lugar. Isang patunay lamang ito na ang lahat ay nag nanais na ng katahimikan sa probinsiya ng Surigao del Norte. Pangalawa, nais din naming ipaabot ang aming pakikiramay sa nasawing miyembro ng NPA kung saan napag alaman po natin na itong si Alyas Wolf ay siya ang responsable sa mga paggawa ng mga iligal na pampasabog sa buong probinsya. Sa pangyayari pong ito, asahan po natin na mas mahihirapan na ang armadong grupo. Kung kaya patuloy tayong nananawagan sa mga natitira pang aktibong miyembro nito na sumuko na bago pa mahuli ang lahat.”

Agad din dinala sa pinakamalapit na punerarya ng Alegria ang nasawing NPA upang mabigyan na din ng maayos na burol at maibalik ng maayos sa pamilya nito sa Surigao del Sur.

Comments are closed.